Wednesday, November 01, 2006

Katoliko sa ibang bayan

Matagal na 'kong di nagsisimba. Nakalimutan ko na kung kelan ako naging huling totoo sa katolisismo. Naalala ko nung elementary at high school ako, araw-araw kaming pinagdadasal ng rosaryo ng mga madre, at least once a week magkumpisal, at memoryado ang birthdays ng mga santo.

Nung nag UP ako, aba at biglang nagbago ang tingin ko sa mundo. Medyo disappointed nga ang pamilya ko, ba't daw ako naging atheist? Sabi ko, di naman, agnostic lang.

Dito sa NZ, ramdam na ramdam ko ang Dyos sa ating kapaligiran. Luntiang mga burol, asul na kalangitan, government dole-outs, petfood (kung naniniwala ka sa reincarnation, sarap sigurong maging house pet dito sa NZ 'no? Ano kayang reaksyon ng isang askal or pusakal* na taga Tondo kung sakaling mapadpad dito?)... mga bagay na kadalasan ay "taken for granted" ng mga puti. Minsan natatawa nga ako sa mga balita dito. Traffic daw lumalala, pollution daw pinapatay ang kinabukasan ng bansa, mga politicians daw nag overspend ng election budgets... Sana maranasan nilang tumira sa Manila, kahit isang linggo lang.

Pero ano kaya kung ang mga Pilipino manirahan din dito?

Nung linggo, unang beses kung maka-attend ng Filipino mass sa Balmoral. Kakaiba, parang time space warp (ala-Shaider). Kahit pa naka-pang ginaw ang mga tao, para akong nagsimba sa Baclaran. May mga batang nag-iiyakan, mga nagbubulungan (i.e. chismis galore), lakas ng kantahan, punong limos (hindi lang isang beses, apat yata), beso-beso during "peace be with you" at syiempre, di mawawala ang kainan. Ika nga ni Father, "Tayong mga Pinoy, mala-late sa lahat ng bagay, pero di sa busugan."

Alam nyo, kahit pala di ka magsimba ng matagal, di mo malilimutan ang mga ritwal ng misa. Para bang kahapon lang, nag flores de mayo ako. Hindi bigo ang mga magulang ko, na halos every sem, nangungutang para mabayaran ang "exclusive-catholic-school-for-girls" tuition fees ko.

Naliwanagan ako. Hindi pala katolisismo o relihiyon ang bumubuhay sa simbahan. Kundi tayo, mga kaluluwang naghahanap ng kapwa-tao, kaibigan, kakilala o bagong pag-asa.

Luwalhati sa Dyos sa kaitaasan.. at sa mga taong sinasakupan niya.


*askal/pusakal - aso at pusang kalye

1 Comments:

At 11/07/2006 1:13 pm, Blogger Ka Uro said...

nag-enjoy ako sa post na ito. nakaka-relate ako kasi isa rin ako sa mga naging atheist nung naging iskolar ng bayan.

 

Post a Comment

<< Home